Pagninilay
Hanggang ngayon ay di pa din ako makapaniwala na buhay pa ako at naririto upang ibahagi ang kuwentong ito. Dalawa lang kasi ang magiging resulta ng naging karanassan ko nitong Sabado ng gabi, nagpapagaling ako sa isang pagamutan o di kaya ay pinaglalamayan na ng aking pamilya at malalapit na mga kaibigan.
Heto ang buong pangyayari nitong ika-tatlo ng Setyembre, Sabado...
Ilang minuto lang ang aking hinintay bago ako nakasakay ng bus ng biyaheng Monumento, nais ko sanang mag abang ng masasakyan na diresto na ng bayan ng Marilao sa Bulacan ngunit nainip ako.
Nakaupo ako sa may tapat ng pintuan, katwiran ko para mapadali din ang aking pagbaba. Ako ay nakikinig ng mga awitin sa radyo, nakapasak ang ear phones ko sa aking tenga at magiliw na sinasabayan sa aking isip ang kanta ni Michael Johnson. Iniisip ko ang oras na muling makita ang aking asawa at dalawang anak.
Nakadungaw ako sa labas ng bintana habang nilalakbay ang kahabaan ng EDSA. Pumara ang dalawang lalaki, edad mga 20 hanggang 25. Patuloy pa din ako sa pakikinig ng musika, at di alintana na may nagaganap na palang kaguluhan sa aking likuran.
Nagulat na lang ako ng napasigaw ang isang babae. Napalingon ako at nakita itong nakikipaghatakan ng kaniyang bag sa isa sa mga lalaking bumaba. Hindi binitiwan ng babae ang kaniyang bag kahit na ilang beses siyang pinalo at akmang susuntukin na ng lalaking magnanakaw/snatcher.
Nakatigil ang bus at tila tumigil din ang oras sa loob nito. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isip at lakas loob akong tumayo upang tulungan ang babae. Sinunggaban ko ang kaniyang bag at tinulungan siyang agawin ito sa kriminal na nagnanais itakbo kung ano man ang laman nito.
Buong lakas loob kong hinila ang bag at sabay kabig sa babae sa aking likuran upang harapin ang lalaking pusakal. Akma siyang bubunot ng kung ano mang bagay sa kaniyang bulsa ng maisipan kong sumampa sa ibabaw ng aking kinauupuan.
Naisip ko, kung may patalim man siya mas mataas ang aking puwesto at madali ko siyang masisipa dahil na din sa aking vantage point. Dati din akong nag aral ng karate kay Sensei Ricky Lim ng Philippine Karatedo Federation kaya kahit papaano ay kaya kong ipagtanggol ang aking sarili.
Sumigaw na ako sa tsuper na patakbuhin na ang bus at isara ang pinto pero tila wala ata itong nadinig. Biglang sumulpot sa kung saan ang kaniyang kasama na naunang bumaba at may iwinawasiwas itong kahoy, handang manakit ng taong sumira ng kanilang plano na makapang agaw ng kanila sanang paghahatian ng gabing iyon.
Duon na tumayo ang iba pang pasahero, pumorma na handa akong tulungan at kuyugin ang dalawang lalaking nagnanais mang isa ng kanilang kapuwa Filipino. Nais sana nilang akyatin muli ang bus, pero nakita nilang madami ang handang lumaban sa kanila kaya napilitan na lang silang tumakbo papasok sa isang madilim na eskinita sa may bandang North Triangle, sa lupang kinatitirikan ng mga illegal settlers sa tabi ng Tri Noma Mall.
Tila natauhan na ang driver at mabilis na pinasibad ang kaniyang bus. Pilit pa ding humabol ang isa sa mga lalaki, matapang ito at nagtangka pa na makakapit sa estribo upang muling makasampa sa bus at manakit ng kaniyang kapuwa pero di na niya nagawa ang kaniyang plano.
Kamakailan lang ay naging laman ng balita ang lugar kung saan sila bumaba dahil nais ng pamahalaan ng lungsod Quezon na ipagiba ang mga kabahayan duon para bigyang daan ang isang modernong proyekto para sa mga mamayan nito. Nagkaroon pa ng batuhan at kaguluhan noon.
Matapos ang pangyayari, napaupo na lang ako at napag isip. Ano nga kaya kung may baril ang naturang lalaki at bigla na lang itong nagpapaputok. Marahil ay isinusugod na ako sa pagamutan o di kaya nakabulagta na lang ako at isa nang malamig na bangkay.
Takot pa din ang naturang babae at nanginginig na pinasalamatan ang mga indibidwal na tumulong sa kaniya kani kanila lamang.
Ano nga kaya kung napahamak ako? Ni hindi ko man lang nasabi sa aking asawa na mahal na mahal ko siya kahit na kung minsan ay mayroon kaming di pinagkakaunawaan. O kaya ay napagbilinan ang aming panganay na anak na si Macky na pagbutihin niya ang kaniyang pag aaral para maabot niya ang kaniyang mga pangarap at maging mabuting kapatid kay Nathan.
Di ko man lang na makikita kung paano ang paglaki ni Nathan. Kung ilang babae ang kaniyang liligawan at bibigo sa kaniya. Kung anong edad siya matutong uminom ng alak o di kaya ay susubok din ng sigarilyo?
Paano naman ang aking mga magulang? Sila ang maglilibing sa akin. Maging ang aking mga kapatid ay hindi ko na din masisilayan kahit na kung minsan ay nagkakaroon pa din kami ng tampuhan at samaan ng loob.
Maigsi nga lang daw ang ating buhay. Nawa ay lasapin natin ang bawat sandali na tayo ay masaya. Ibayong ingat din ang aking mensahe, lalo na sa mga panahon ngayon na ang ilan nating mga kababayan ay napipilitang gumawa ng kahit na anong paraan para lamang maitawid ang kanilang pang araw araw na pangangailangan.
tapang mo tol...hindi ka lang isang TNL, isa ka ring bayani.
ReplyDeleteAng mga tulad mo ay dapat tularan, kaibigan.
ReplyDelete